You are here

Nakakita ako ng isang pamilya

Mary Santos

Noong gabing natanggap ko ang text ni Frinces, na finorward mula kay Prof. Ramota, na nagsasabing pumayag na ang organisasyon kung saan kami na-assign, nagulat ako.

“Anong gagawin namin?”

“Bakit ngayon lang?”

“Di ba kami matatrapik diyan?!”

“Di ba pista ng Quiapo?!”

“Alam na ba to nila Roseann?”

“Makakarating ba si Martha bukas?”

“Pano sila?”

“Bakit?”

“Bakit?!”

“BAAAAAAKET!?”

Iyang mga tanong na yan ang bumagabag sa utak ko noong gabing iyon. Hindi ko alam kung saan ang barangay Central at lalong hindi ko alam kung paano pumunta doon. Wala akong ideya. Sobrang nabulabog ang gabi ko noon. Lalo pa’t nakansela ang meeting ng isa pang grupo, na dapat ay kasabay namin ng araw. Kami nalang ang natira. Kami lang ang may pasok. “Ang daya”, sabi ng utak ko. Paano ba naman, kami ang unang papasok, habang ang iba ay hindi pa alam kung kailan magsisimula, at yung iba naman ay hindi pa tiyak kung saang organisasyon sila papasok.

Noong unang araw ko sa CEC, natuwa ako sa mababait at palangiting mga taong sumalubong sa amin. “Tubig?”, “Baka gusto niyo ng tubig?”, “Inom kayo ng tubig.” Iyan ang mga katagang lagi naming naririning noong araw na iyon.

Ang unang gawain na inatas sa amin ni Jonamae ay ang gumawa ng articles na babasahin sa radyo. Ayos iyon at ibang klase. Hindi na kung anumang papel na hindi namin alam kung saan mapupunta ang gagawin namin, ang isusulat namin ay maririnig na sa radyo. Sa wakas!
“BZZZZZT”, tunog ng doorbell. Tinignan ko kung sino ang tao. Nakita ko sa labas ang isang tindero ng prutas “Prutas”, sabi niya, binebentahan ako. Umiling ako dahil hindi ako bumibili ng prutas sa ganun. Sabi ni manong, “Hindi, yung nasa loob.” Nahiya ako dahil suki pala ni manong ang mga tao sa CEC.

Samu’t- saring mga bagay ang naipagawa sa akin. Nariyan ang pag-eencode ng mga calling cards at attendance sa mga forum, pamimili, pag-eedit at pagpapaprint ng mga litrato, pagtawag sa iba’t-ibang mga organisasyon upang mang-imbita sa forum, pagtutupi at pagpepresyo sa mga damit na ibebenta para makatulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo, paggawa ng karatula at iba pa. Marami rito ay sa CEC ko pa lamang nagagawa. Hindi ako masyadong mahilig makipag-usap sa telepono kaya’t kabadong-kabado ako noong ako ang pinatawag. Pero masaya ako na kahit papaano ay nalaman ko na kaya ko palang makipag-usap sa iba’t-ibang klase ng mga tao sa telepono.

Marami akong natutunang mga bagay mula sa CEC-Phils. Binuksan nito ang isip ko sa mga isyu sa lipunan, sa mga pangyayaring hindi ko alam, sa mga bagay na dapat ay mayroon akong pakialam. Hindi ko pagsisisihan o ikalulungkot na kami lang ang linggu-linggong pumapasok sa Quezon City, na kami ang pinakamaraming meetings sa NSTP at hindi ko panghihinayangan ang 60 pesos kong pamasahe papasok at pauwi mula sa CEC, dahil sa bawat pagpupulong namin ay marami akong mga natutunang mga bagay at masaya ako dito.

Mga bagay na hindi ko malilimutan: Prutas. Kubo. Photoshop. Encoding. Calls. Computer. Laptop. Tubig. Pinya. Papaya. Pakwan. Roseann. Computer chair. Charger. Matulungin. Mcdo. Karinderya. CEC. Agham. Kalikasan. Articles. Mining. Story of Stuff. Goldilocks. Fax machine. Telepono. SLAPP. KFC. City Hall. Puting tricycle. Anonas. Jeep. Wine bottles. Ref. Teddy Casiño. Gitara. Dining table. Library. UP Diliman. ALVA. St. Joseph. LRT Santolan. French fries. Clover. Egg pie. Tulak. Polvoron. Doorbell. Wallpaper. Tubbataha. CR. Pagong. Starfish. Isda. Karatula. Media. Volunteer. NSTP. 9 AM. 1 PM. Brgy. Central. Julie’s bakeshop. Facebook. Twitter. Rapu- Rapu. Tree planting. Email. Project bahay kubo. Powerpoint. EO 79. Text. Gate. Profile. Ma’am Rog. Ces. Roseann. Martha.

Hindi ako nakakita ng isang organisasyon. Nakakita ako ng isang pamilya. Isang pamilya na makakasama ko sa pakikibaka para sa pagpapanatili ng kagandahan ng kalikasan.